Sunday, February 17, 2013

News classic article caption in 2010:Showbiz personalities perform well in the May 2010 elections


Ngayong tapos na ang kauna-unahang automated election sa Pilipinas at halos tapos na rin ang bilangan, marami sa ating mga kababayan ang interesado kung anong kinahinatnan ng pagtakbo ng ilang showbiz personalities. Generally speaking ay naging maganda naman ang resulta para sa karamihan ng mga artistang tumakbo ngayong halalan, pero meron din namang mga hindi pinalad sa kanilang hangaring makapagsilbi sa bayan.

SENATORIAL RACE. Isang pruweba na hindi puwedeng balewalain ang hatak ng mga artista sa publiko ay ang resulta ng senatorial race.

Sa pinakahuling partial official tally ng Commission on Elections (Comelec) ay dikit ang mga boto ng magkumpareng action stars na sina Bong Revilla at Jinggoy Estrada sa senatorial race. Nangunguna sa listahan si Revilla samantalang pumapangalawa naman si Estrada.

Ang Eat Bulaga! host na si Tito Sotto naman ay kasalukuyang nasa 9th place, samantalang ang isa pang dating action star, si Lito Lapid, ay nasa 11th place.

Pare-parehong second term na nina Revilla, Estrada, at Lapid kung walang magbabago sa ranking ng mga tumatakbong senador. Si Sotto naman ay balik-Senado matapos niyang matalo nung huli siyang tumakbo.

Hindi man artista, maituturing na ring showbiz personality si dating Senator Ralph Recto dahil sa pagiging mister niya ng Star for All Seasons at incumbent Batangas Gov. Vilma Santos. Kasalukuyang nasa ika-walong puwesto si Recto sa senatorial race.

GUBERNATORIAL RACE. Speaking of Gov. Vi, naiproklama na siya kagabi, May 12, bilang Governor ng lalawigan ng Batangas. Maituturing na landslide ang panalo ng aktres kontra sa kanyang pinakamahigpit na kalaban na si Sto. Tomas Mayor Edna Sanchez. Si Mayor Edna ay ang maybahay ni dating Governor Arman Sanchez, na sumakabilang buhay ilang linggo bago eleksyon. Ikalawang termino na ito ni Gov. Vi, na nanungkulan ng tatlong termino bilang mayor ng Lipa City.

Ang dating aktor na si ER Ejercito, pamangkin ni dating Pangulong Erap Estrada, ay nanalo rin sa gubernatorial race sa lalawigan ng Laguna. Si Ejercito, na anak ng yumaong aktor na si George Estregan, ay dating Mayor ng Pagsanjan, Laguna.

Ang brother-in-law ni Sen. Bong Revilla na si Junjun Ynares ay nagwaging muli bilang Governor ng Rizal.

Nagtagumpay rin ang aktor na si Daniel Fernando sa kanyang pagtakbo bilang Vice-Governor ng Bulacan. Ito rin ang puwestong napanalunan ng dating PBA coach na si Yeng Guiao sa Pampanga, kung saan nagwagi rin si Pangulong Gloria Macapagal Arroyo bilang Congresswoman at ang kaalyado nitong si Lilia Pineda bilang Governor.

CONGRESSIONAL RACE. Sa ikalawang subok niya sa larangan ng pulitika ay pinalad na rin sa wakas ang Pambansang Kamao na si Manny "Pacman" Pacquiao. Malaki ang lamang niya sa incumbent Congressman ng Sarangani na si Roy Chiongbian. Ayon kay Manny, bagamat isa na siyang Congressman ngayon ay baka pagbigyan niya pa rin ang kanyang boxing fans sa kanilang kahilingan na kalabanin niya si Floyd Mayweather, Jr.

Iprinoklama na rin kahapon ng umaga, May 12, ang TV host na si Lucy Torres-Gomez. Siya ang nanalo sa congressional race sa 4th district ng Leyte. Pinalitan ni Lucy ang mister niyang si Richard Gomez na siya talagang tumatakbo bilang kongresista. Pero na-disqualify ng Comelec si Goma dahil hindi raw na-meet ng aktor ang required years of residency sa Ormoc City. Ilang araw bago ang eleksiyon ay nagdesisyon ang mag-asawa na si Lucy na lang ang patakbuhin.

Ang maybahay ni Sen. Bong Revilla na si Lani Mercado ay iprinoklama na rin bilang bagong Congresswoman sa ikalawang distrito ng Cavite. Landslide din ang kanyang pagkakapanalo kontra sa pumapangalawa sa kanyang si Plaridel Abaya.

Nagwagi rin ang aktor na si Dan Fernandez bilang Congressman sa first district ng Laguna.

Nanalo rin si Gina de Venecia bilang Congressperson sa 4th district ng Pangasinan. Si Manay Gina ay asawa ni dating Speaker Jose de Venecia at mula sa pamilya ng mga Vera Perez na siyang may-ari ng Sampaguita Pictures..

MAYORALTY RACE. Pagkatapos ng tatlong termino ng panunungkulan bilang Vice Mayor ay iprinoklama nang Mayor ng Quezon City ang aktor na si Herbert "Bistek" Bautista sa naturang lungsod. Tinalo ni Bistek ang pinakamahigpit niyang kalaban na si dating Secretary Mike Defensor.

Ang dating aktres na si Guia Gomez ay iprinoklama na rin bilang bagong Mayor ng San Juan City. Si Guia ay dating nakarelasyon ni ex-President Erap Estrada. Ang anak nilang si JV Ejercito ang siya namang bagong congressman ng San Juan.


Ang asawa ni Mayor ER Ejercito at dating sexy star na si Maita Sanchez ay nanalong Mayor sa Pagsanjan, Laguna.

Nanalong muli ang incumbent Mayor at dating broadcaster na si Mon Ilagan sa Cainta, Rizal. Nagwagi rin ulit ang kapatid ni Sen. Bong na si Stryke Revilla bilang Mayor ng Bacoor, Cavite.

Ang dati namang miyembro ng That's Entertainment na si Isko Moreno ay iprinoklama na bilang Vice Mayor ng Manila. Ikalawang termino na ito ni Isko sa naturang posisyon. Ang incumbent Mayor na si Alfredo Lim naman ang nanalo sa mayoralty race.

Nanalo rin ang boyfriend ni Heart Evangelista na si Ian Dy bilang vice-mayor sa Alicia, Isabela. Twenty-nine years old pa lamang ang kasintahan ng aktres.

Ang dating PBA player at comedian na si Yoyong Martires ay nagwaging muli bilang vice-mayor sa Pasig.

BOARD MEMBERS. Nanalo ang Drama King na si Christopher de Leon bilang Board Member sa 4th district ng Batangas. Panalo rin ang aktor na si Gary Estrada bilang Board Member sa second district ng Quezon Province.

Maganda ring balita para sa comedian na si Teri Onor (Dexter Dominguez sa totoong buhay) na nanguna bilang bokal sa 1st district ng Bataan at sa comedienne na si Angelica Jones na nanalo naman sa 3rd district ng Laguna.

COUNCILORS. Ilan naman sa mga artistang malaki nanalo bilang konsehal ay sina Yul Servo (Manila, 3rd district), Robert Ortega (Manila, 5th district), Lou Veloso (Manila, 6th district), Precious Hipolito-Castelo (Quezon City, 2nd district), Alfred Vargas (Quezon City, 2nd district), Roderick Paulate (Quezon City, 2nddistrict), Gian Sotto (Quezon City, 3rd district).

Kasama rin sina Alma Moreno (Parañaque, 1st district), Roselle Nava (Parañaque, 1st district), Jason Webb (Parañaque, 1st district), Val Sotto (Parañaque, 2nd district), Ryan Yllana (Parañaque, 2nd district), Marjorie Barretto (Caloocan City), Maybelyn dela Cruz (Dagupan), Alex Castro (Marilao, Bulacan), Geryk Genasky (asawa ni Isabel Granada, Pampanga), at Monsour del Rosario (Makati).

THE UNLUCKY ONES. Kung may mga pinalad na mga artista ngayong eleksiyon ay mayroon din namang hindi.

Ang dating Pangulong Erap Estrada ay pumapangalawa lamang sa nangungunang si Sen. Noynoy Aquino para sa pinakamataas na posisyon sa gobyerno. Bagamat halos limang milyon na ang kalamangan ni Sen. Aquino, kapatid ng TV host-actress Kris Aquino, kay Pres. Estrada at ilang porsiyento na lamang ng mga boto ang hindi nabibilang ay hindi pa rin nagko-concede ang huli.

Ang TV host-actor at dating OMB Chairman na si Edu Manzano ay nabigo naman sa kanyang vice-presidential bid. Sa kasalukuyan ay mahigpit pa rin ang labanan sa pagitan nina Mayor Jejomar Binay at Senator Mar Roxas. Talo rin ang broadcaster na si Jay Sonza sa vice-preseidential race.

Para naman sa mga tumkabong senador, malayung-malayo ang Jukebox Queen na si Imelda Papin  sa mga nasa Top 12.

Nabigo rin ang actor-director na si Cesar Montano sa kanyang gubernatorial bid sa lalawigan ng Bohol. Pumangatlo lamang si Cesar sa limang naglaban-laban.

Bigo rin ang kapatid ni Robin Padilla na si Rommel Padilla sa  vice-gubernatorial race sa lalawigan ng Nueva Ecija.

Talo rin ang aktor na si Jestoni Alarcon sa kanyang kandidatura bilang Congressman ng Rizal at ang dating PBA player at referee na si Tito Varela sa Caloocan City. Hindi rin nagtagumpay ang singer na si Dingdong Avanzado sa kanyang pagtakbo bilang congressman sa lalawigan ng Siquijor.

Natalo na naman ang comedian na si Joey Marquez sa kanyang kandidatura bilang mayor ng Parañaque. Pumangatlo lamang siya sa nangungunang si Jun Bernabe at sa second-placer na si Ed Zialcita.

Ang matalik na kaibigan ni Joey na si Anjo Yllana ay bigo rin sa kanyang tangkang mahalal bilang vice mayor sa lungsod din ng Parañaque.

Kapwa nabigo ang mga aktres na sina Aiko Melendez at Jobelle Salvador sa vice-mayoralty race. Si Aiko ay tumakbo sa Quezon City ngunit tinalo siya ni Joy Belmonte. Si Jobelle ay tumakbo sa Makati, pero pumapangatlo lamang siya.

Ganito rin ang sinapit ng singer na si Rico Puno na pumangalawa lamang sa vice-mayoralty race sa lungsod ng Makati. Talo rin ang dating action star ay former mayor ng Caloocan City na si Rey Malonzo na tumakbo ngayong bilang Vice Mayor.

Nabigo rin sina Ara Mina, Arnell Ignacio, Jaime Fabregas, John Lesaca, Glenda Garcia, at Ogie Diaz na pawang tumakbong konsehal sa Quezon City. Ang comedian na si Tado ay talo rin sa pagkakonsehal sa Marikina.